Dingdong Dantes avoids all questions about breakup with Karylle

Dingdong Dantes avoids all questions about breakup with Karylle

“Pag ang puso ang nagmahal, hindi ibig sabihin may hinahanap kang kapalit. Ang pagmamahal mo sa kanya, hindi mawawala ‘yan. Maaaring nag-iba ng posisyon sa puso, pero hinding-hindi mawawala ‘yan,” says Dingdong Dantes.

Nag-enjoy nang husto si Dingdong Dantes sa fund-raising show ng Philippine Movie Press Club (PMPC) na Celebrity Night: All Star Cast, na ginanap sa Metro Bar, West Avenue, Quezon City kagabi, November 14. Naaliw rin naman ang mga fans na nag-abang sa aktor, lalo na nang umawit ito ng medley ng mga kanta ng Eraserheads.

Panay ang sabi ni Dingdong na gustung-gusto niyang kumanta, kaya naman para siyang may mini-concert kagabi. Nang kausapin na siya ni Aaron Domingo, ang host ng show, matapos ang kanyang performance, tila ayaw pa niyang mapag-usapan ang anumang project. Paulit-ulit na sinasabi ni Dingdong na gusto niya lang kumanta noong mga oras na ‘yon dahil hindi niya raw madalas na gawin ‘yon.

Halata ring iniiwasan ng isa sa prized talents ng GMA Network na mabanggit ang titulo ng movie nila ni Marian Rivera na One True Love. Tila anticipated niya nang may karugtong na katanungan kung babanggitin niya ito.

At ‘yon nga ang nangyari. May nagtanong sa audience kung sino ang ‘one true love’ ni Dingdong. Pero ang mabilis na sagot ng aktor ay ang lola niya.

“I DON’T WANT TO TALK.” Bago umakyat sa stage si Dingdong, nagkaroon ng pagkakataon ang PEP (Philippine Entertainment Portal) na kausapin siya. Consistent pa rin ang aktor na umiiwas mapag-usapan ang tungkol sa breakup ng dating kasintahan na si Karylle.

“Actually, I really don’t want to talk about it right now. Kasi, hindi siya madaling bagay para sa akin,” agad niyang pahayag.

Paano siya ngayon nagko-cope knowing na may nabago sa buhay niya?

“I just live life, I know it’s not easy. Pero gano’n,” maikli niyang tugon.

Ano ba ang nami-miss niya sa dating nobya?

“Ayoko nang mapag-usapan, kasi ‘pag binuksan natin talagang…,” pag-iwas ng aktor.

Itinatago niya pa rin ba yung mga bagay na ibinigay sa kanya ni Karylle?

“Yung mga bagay na importante sa aming dalawa, e, hindi naman dapat itinatapon yun.”

Importante pa rin ba si Karylle sa kanya?

“Always. Always. Always…” ang paulit-ulit niyang sagot.

May kapalit na ba si Karylle sa puso niya?

“Wala,” ani Dingdong. “Wala, kasi alam mo, pag ang puso ang nagmahal, hindi ibig sabihin may hinahanap kang kapalit. Ang pagmamahal mo sa kanya, hindi mawawala ‘yan. Maaaring nag-iba ng posisyon sa puso, pero hinding-hindi mawawala ‘yan.”

Nasa puso pa rin ba niya si Karylle?

Tumango lang si Dingdong.

Posible kayang magkabalikan pa sila?

“Ipapasa-Diyos ko na lang lahat,” maikli niyang tugon.

“IT’S NOT TRUE.” May mga nagsasabing si Marian Rivera raw talaga ang dahilan ng paghihiwalay nila ni Karylle?

“Hindi, e,” tanggi ni Dingdong. “I can say that it’s really not true.”

Wala talagang third party involved?

Umiling lang si Dingdong.

Napag-uusapan ba nila ni Marian ang isyung ikinakabit sa kanila ngayon?

“Actually, we don’t [talk] about it, e. Minsan lang,” tugon ng aktor.

Patuloy niya, “The thing is, hindi naman talaga kailangang pag-usapan nang husto. There’s really nothing to talk about. Alam naman namin kung saan kami lulugar. At alam naman namin na ang lahat ng ispekulasyon na ito ay hindi totoo. One statement is enough, and yun na yun.”

Apektado rin ba siya na si Marian ang nadidiin sa breakup nila ni Karylle?

“Hindi mo masisisi ang mga ispekulasyon, kaya nga nagsalita ako, kaya nga ginawa ko ang nararapat. And I hope that it will end that.”

KARYLLE’S TRANSFER. Lilipat na si Karylle sa ABS-CBN. Ano ang reaksiyon niya sa desisyong ito ng ex-girlfriend?

“Ako, kasi I believe that she’s really an asset of the network, of GMA. Nakakalungkot to know that she will transfer because she will always have that special part in the network that can never be filled by anybody else,” tugon ni Dingdong.

Isa raw siya sa dahilan ng pag-alis ni Karylle sa Kapuso network?

“Hindi ko iniisip…ayokong isipin na gano’n, and I don’t believe that.”

Ano ang masasabi ni Dingdong na hindi raw prinotektahan ng Kapuso network ang kapakanan ng ex-girlfriend nang lumabas ang balitang break na sila?

“I believe that the network will always be fair, especially when it comes to personal things like that. They are also human beings, so they will always be fair,” paliwanag ni Dingdong.

Nagkita na ba sila ni Karylle sa SOP?

“Hindi pa kami nagkasama sa SOP,” ani Dingdong.

Happy ba siya na lilipat si Karylle sa Dos?

“Parang hindi,” sagot ni Dingdong. “But, kung saan siya mas liligaya, kung saan man mama-maximize ang kanyang talento, ang kanyang kagalingan, e, susuportahan ko siya.”

Bakit parang ayaw niyang umalis ang dating nobya sa GMA-7?

“I believe she has a special part in the network, kaya sabi ko, that will never be replaced by anyone. And I always believe in her talent. And I am very proud of her,” diin ni Dingdong.

Kung ang network ay hindi mapapalitan ang tulad ni Karylle, mapapalitan ba ito sa puso niya?

“Right now, it’s still a very difficult thing. I really don’t wanna speak. And I hope you understand,” saad ni Dingdong.

MOVING ON. Naka-move on na ba siya?

“It’s hard to say. Actually, I don’t know.”

Paano na ang business nila ni Karylle?

“It’s still going strong.”

Hati pa ba kayo roon?

“Yes.”

Ano ang masasabi niya na ikinukumpara ng mga tao ang breakup nila ni Karylle sa breakup nila ni Antoinette Taus noon?

“That’s unfair,” agad na sagot ni Dingdong. “We have different chapters, different experiences with people. Kung anuman ang pinagdaanan ko dati ‘saka ngayon, e, iba…iba siya. Kaya sana po, e, ‘wag nilang sabihin yung gano’n.”

Saan siya mas nasaktan na breakup?

“Siyempre, what’s important is now. Sa ngayon, e, ito ang nangyari,” aniya.

Nagkausap na ba sila ni Karylle?

“Regular pa rin naman ang communication namin, and it’s okay.”

Meron ba siyang mensaheng gustong iparating kay Karylle?

“What I always say is, kung anuman ang gusto kong sabihin sa kanya, direkta kong sasabihin sa kanya. Kung meron siyang kailangang malaman, tatawagan ko siya. And I’d like to keep it that way.”

Nagkausap na ba sila ng ina ni Karylle na si ZsaZsa Padilla?

“Hindi pa kami nagkausap. I will talk to her, but personally. Alam kong busy pa siya sa ngayon.”

Hindi ba siya nanghihinayang dahil nawala rin ang matagal nilang iningatang relasyon ni Karylle?

“I don’t wanna go into detail anymore, e. Okay na po sa akin ‘yon. Sana po naintindihan n’yo,” pag-iwas ni Dingdong.

ERIC BORROMEO
Philippine Entertaiment Portal

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: