Marian Rivera insists she has no romantic relationship with Dingdong Dantes

Marian Rivera insists she has no romantic relationship with Dingdong Dantes

“Matagal na po ‘yong sinasabi nilang kami na nga raw ni Dingdong. Bahala na po sila kung ang ang gusto nilang isipin o sabihin. Balang araw, lalabas din po ang katotohanan,” says Marian Rivera.

Si Marian Rivera ay muling nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa shooting ng pelikulang One True Love kagabi, November 4, sa Vermont Park, Antipolo City. Kasama ni Marian sa pelikulang ito ng GMA Films at Regal Entertainment sina Dingdong Dantes at Iza Calzado.

Nakatulog si Marian sa sasakyan papuntang Vermont Park, pagkatapos kunan ang wedding scene nila ni Dingdong sa San Jose del Monte, Quezon City. Hindi na nga raw niya nailagay ang kanyang hair extension dahil naghihintay na sa kanila ni Dingdong ang maraming entertainment reporters. Pero naiwanan pa rin niya si Dingdong sa location dahil may kukunan pa itong eksena na hindi siya kasama.

Marian described their wedding scene as “a very simple one.” Ang suot lang daw niya ay mula sa sponsor niyang Karimadon, pero magugustuhan daw ito ng mga manonood ng movie nila.

LOVE SCENES WITH DINGDONG. Paano naman idi-describe ang naiiba nilang love scene ni Dingdong sa movie?

“Dalawa po ang love scenes namin dito ni Dong, isang comedy, isang passionate,” wika ni Marian. “Ako naman po, kung ano lang ang sinasabi ni Direk Mac Alejandre, sumusunod lang ako. Pero dapat ninyong panoorin ang movie para malaman ninyo kung paano naging comedy ang isang love scene. Ibang-iba rin ang ipinakita rito ni Dong.”

Paano naman ang passionate love scene nila ni Dingdong? Hindi ba sila nailang, o hindi ba sila nadala ng eksena?

“Wala naman pong ilangan,” sabi ni Marian. “Ilang beses na rin naman kaming nag-love scene at nag-kissing scene ni Dingdong. Siguro mas passionate lang ito kesa doon sa mga nagawa na namin sa Marimar at Dyesebel dahil sa movie naman po ito.

“Pero hindi po ito malaswa,” paniniguro ng aktres. “Hindi ito bibigyan ng malisya ng mga manonood. Saka paano naman po kami madadala sa eksena, e, ginagampanan lang namin ito bilang mga artista? Pero si Direk Mac, may hawak pang megaphone, sinasabi kung ano ang gagawin namin para take one lang ang eksena.”

DINGDONG-KARYLLE BREAKUP. Dito na namin tinanong si Marian tungkol sa breakup nina Dingdong at Karylle. Idinadawit kasi ang pangalan ng aktres, na siya diumanong third party sa hiwalayan.

Pinaninindigan ni Marian ang mga sinabi niya noon, na wala siyang kinalaman kung nagkaroon ng problema sa relasyon nina Dingdong at Karylle.

May pagkakataon bang pinag-usapan nila ni Dingdong ang tungkol dito? Inupuan ba nila ang issue?

“After po ng interview noon, once lang namin napag-usapan ‘yon,” saad ni Marian. “Sa inupuan ang issue, wala po namang dapat upuan. Trabaho lang kami.”

Pormal nang in-announce ngayong araw, November 5, nina Dingdong at Karylle ang kanilang breakup, na unang kinumpirma ng PEP, sa The Philippine Star, kung saan may kolum din si Karylle.

Paano kung sa breakup nina Dingdong at Karylle ay siya ang sisihin? May relasyon ba sila ni Dingdong?

“Wala po!” mabilis na sagot ni Marian. “Tulad po ng sinabi ko noon, hindi po ako gagawa ng paraan para manira ng relasyon ng iba. Hindi ako mang-aagaw ng boyfriend para lang magka-boyfriend. Hindi ako magiging masaya kung may iba namang masasaktan. Hindi po ako selfish na gagawa ng isang bagay na makasasakit ng ibang tao.”

Pero hindi pa rin maalis sa isipin ng iba na sila na ni Dingdong ngayon, lalo pa’t break na rin si Marian sa dati nitong boyfriend na si Ervic Vijandre.

“Matagal na po ‘yong sinasabi nilang kami na nga raw ni Dingdong,” pagkikibit-balikat ni Marian. “Bahala na po sila kung ang ang gusto nilang isipin o sabihin. Balang araw, lalabas din po ang katotohanan.”

Diretso nang tinanong ng PEP kay Marian kung palagay niya ay unfair ang pagbintangan siya sa pagkasira ng relasyon nina Dingdong at Karylle.

“Kung minsan po, parang unfair sa akin dahil hindi ko maipagtanggol o ma-explain ang sarili ko,” pag-admit ni Marian. “Pero naiisip ko rin po, bakit naman ako kailangang mag-explain kung wala namang dapat i-explain?”

Pahayag pa niya, “May isa rin po akong natutunan sa buhay ko ngayon. Never akong nagpasa ng sisi sa ibang tao kung may nangyayari mang hindi maganda. Iniisip ko na lang po na kasama ito sa buhay ng isang artistang tulad ko.”

Nagkaroon na ba siya ng experience na umibig sa kanyang leading man?

“Mahirap pong magsalita ng tapos, lalo na kung wala pa naman,” maingat na sagot ng dalaga.

Puwede bang mahulog ang loob niya at ma-in love kay Dingdong?

“Kahit naman po sinong babae, puwedeng mahulog ang loob kay Dingdong,” nakangiting sabi ng dalaga.

Sila ba ni Karylle, nagkaroon ng problema? Hindi ba sila naging close?

“Wala po kaming problema ni Karylle,” paglilinaw ni Marian. “Hindi po kami naging close dahil hindi naman kami nagkaroon ng chance na magkatrabaho talaga. Nagkikita lang kami sa SOP kapag nagge-guest ako doon. Pero lately, dahil very busy nga po ako, hindi po ako nakaka-attend ng SOP.”

BREAKUP WITH ERVIC. Ayaw pa rin ni Marian na pag-usapan ang breakup nila ni Ervic Vijandre.

Open na ba siyang magpaligaw ulit ngayon at umibig muli?

Aniya, “Ayoko pong magsalita ng tapos, pero hindi po ako ang klase ng babaeng magpapaligaw agad pagkatapos makipag-break. Saka ako naman po ang nilalapitan ng mga lalake, hindi ako ang lalapit sa kanila. May mga nagpaparamdam na po, pero hindi ko ‘yon pinapansin. Basta ngayon, trabaho po muna ang pagtutuunan ko ng pansin.”

Binanggit ng PEP kay Marian ang issue na may alam daw si Kris Aquino tungkol sa totoong dahilan ng paghihiwalay nina Marian at Ervic. Ano ang masasabi ni Marian dito?

“Very close po at love ni Mamsie [Popoy Caritativo, Marian’s manager] si Kris,” pauna ni Marian. “Love din po ako ni Kris, at madalas nga niya akong tini-text na nakita raw niya ako sa ganito, sa ganoon. Maganda raw ang ginawa ko, pinupuri niya ako. Pinahihiram po niya ako ng gowns niya at binibigyan niya ako ng shoes. At malaki po ang tiwala ko kay Kris na kung anuman ang alam niya sa akin na personal, sa amin na lang pong dalawa ‘yon.”

SIGHTING IN TAGAYTAY. Nilinaw naman ng PEP kay Marian ang nasulat na magkasama raw sila ni Dingdong sa Sonia’s Garden sa Tagaytay noong November 1. Ayon sa nakakita sa kanila, nag-dinner daw sila roon ng bandang alas-siete ng gabi. Dala rin daw ni Dingdong ang motorsiklo niyang Ducati.

“Sana po ay pinuntahan na lang nila ako sa bahay namin sa Cavite!” natatawang wika ni Marian.

Pagkatapos ay ipinaliwanag ni Marian kung nasaan siya noong mga oras na sinasabing kasama niya si Dingdong.

“Friday evening, October 31, umuwi na po ako sa lola ko sa amin sa Bacoor, Cavite. Gusto pa nga ng Regal na mag-dub ako ng Desperadas, pero hindi ko na po tinanggap. Bale two days din akong nakapagpahinga dahil wala kaming shooting. Natingnan ko rin po ‘yong 12-door apartment na ipinatatayo ko sa lote malapit sa bahay namin,” lahad ni Marian.

NORA CALDERON
Philippine Entertainment Portal

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: