Marian Rivera chooses diplomacy in near misunderstanding with Boy Abunda

Marian Rivera chooses diplomacy in near misunderstanding with Boy Abunda

“Actually, tama yung reaction ni Kuya Boy, kasi hindi ko rin alam talaga na magkakilala sila ni Ervic. It’s true na hindi lahat ng kakilala ni Ervic ay kakilala ko, ganoon na lang yun,” madiplomasyang pahayag ni Marian sa isyu ng kilala ba o hindi ni Boy ang ex-boyfriend niya.

Kasagsagan na ng shooting para sa One True Love at nag-umpisa na rin ang paggiling ng kamera para sa Desperadas 2. Any day now, raratsadahin na rin ni Marian ang trabaho para sa Shake, Rattle & Roll X, kung saan ang aktres ay tampok sa episode na “Nieves.”

Ang One True Love ay ipalalabas na sa November 19, samantalang pareho namang entries sa 2008 Metro Manila Film Festival ang Desperadas 2 at Shake, Rattle & Roll X.

Wala na halos panahon si Marian para sa isang matinong sit-down interview, unless pupuntahan siya sa set. Mabuti na lang at nakipag-ayos ng phone interview si Marian para sa PEP (Philippine Entertainment Portal).

WHAT A COINCIDENCE! “Lahat na ng tungkol sa split-up namin ng ex-boyfriend ko, naipaliwanag ko na, kaya ayoko nang magpaulit-ulit,” pauna ni Marian. “Three months na rin kaming off, kaya wala nang saysay para pag-usapan pa yun. Ang importante naman doon, happy ako sa naging desisyon ko. Hindi ganoon kadali yun, pero tinanggap ko na lang. Sa dami ng trabaho ko, wala na akong panahon para makaramdam ng bitterness.”

Matatandaang inamin ni Marian ang pakikipag-break niya sa model na si Ervic Vijandre, sa interview sa kanya ng PEP noong October 28, sa shooting ng One True Love. (CLICK here to read related story.)

Marami ang nagsasabing tiyempung-tiyempong nagtatrabaho sina Marian at Dingdong Dantes sa kanilang unang team-up sa pelikula, at saka naman naglabasan ang breakup stories: siya kay Ervic, at si Dingdong kay Karylle.

“Nagkataon lang siguro,” sabi ni Marian. “Gaya sa sinabi ko, yung sa akin, three months ago lang. Kailan lang lumabas. Wala talaga akong kinalaman sa split-up nina Dingdong at Karylle. Hindi ko nga alam kung bakit kailangan kong magpaliwanag tungkol diyan, kasi magkatrabaho lang talaga kami ni Dingdong.”

Diretsahang sinabi rin ni Marian, “Kung iniisip ng iba na gimmick lang namin ito, wala akong magagawa. Kahit ano pa ang sabihin ko, kung yun din lang ang paniniwalaan ng iba, it’s all up to them. Pero talagang labas ako sa kung ano ang mga isyu kina Karylle at Dingdong.

“The same thing na wala ring kinalaman si Dingdong sa personal life ko. Nagkakakuwentuhan man kami, friendship level lang talaga yun. Sa amin na lang yun, kasi friends naman kami talaga ni Dingdong.”

ON BOY ABUNDA. Pero ano ang masasabi ni Marian sa reaction ni Boy Abunda, na may himig-pagtataray sa The Buzz, noong Linggo, November 2? Nanggaling daw kasi sa kampo ng manager niyang si Popoy Caritativo ang mga salitang kesyo hindi naman daw kilala ni Ervic si Boy.

Nagsimula ang isyu nang ikuwento ni Kris sa The Buzz noong Linggo ang alam niyang dahilan kung bakit nag-break sina Marian at Ervic. Malapit kasing magkaibigan si Kris at ang manager ni Marian na si Popoy.

Ayon kay Kris, ayaw raw ni Ervic na gawin ni Marian ang isang commercial. Pinapili raw ni Ervic si Marian kung ang commercial o siya. Pinili raw ni Marian ang commercial.

Kinontra naman ni Boy ang sinabi ni Kris. Ayon daw kasi sa mga kaibigan ni Ervic ay hindi totoong pinapili ng binata si Marian kung siya o ang commercial.

Nag-react naman si Kris at sinabing hindi siya naniniwalang kakilala ni Boy si Ervic.

During the commercial break ay tinawagan agad ni Kris si Popoy. Nang bumalik na sila sa ere, ikinuwento ni Kris na tinawagan ni Popoy si Marian tungkol sa pagiging magkakilala nina Boy at Ervic.

Ang sabi raw ni Marian kay Popoy, ang alam daw niyang kakilala ni Ervic ay ang kolumnistang si Joe Barrameda at hindi si Boy.

Pagkatapos ulit ng commercial break, sinagot ni Boy ang sinabi nina Popoy at Marian na hindi kilala ni Ervic si Boy. Sabi niya, hindi raw kawalan sa kanya kung kilala man siya o hindi ng ex-boyfriend ni Marian. Dagdag pa niya, may mga kakilala raw si Ervic na hindi kakilala nina Marian at Popoy.

Ang madiplomasyang sagot ni Marian: “Nag-uusap naman sina Kuya Boy at ang manager ko, at parang biruan lang nila nina Kris [Aquino] yun. Actually, tama yung reaction ni Kuya Boy, kasi hindi ko rin alam talaga na magkakilala sila ni Ervic. It’s true na hindi lahat ng kakilala ni Ervic ay kakilala ko, ganoon na lang yun.

“Sinabi ni Kuya Boy kay Popoy na hindi naman daw siya nagtataray at nagpaliwanag lang. I don’t mean anything bad, na sinabi kong hindi naman sila [Ervic at Boy] magkakilala personally, dahil siyempre, walang nabanggit sa akin si Ervic.”

THE REAL MARIAN. Parang may lumalabas na impresyon sa publiko na maldita si Marian. Kumalat nga noon na nagtataray raw siya nang wala sa lugar.

“Ayokong patulan ang ganyang akusasyon dahil marami ang nakakakilala sa akin,” sagot ng aktres, na mula nang sumikat sa Marimar ay di na nilubayan ng intriga. “Yung matatagal ko nang ka-close, and they’d say, sila mismo, na hindi ako ganoon.”

Paliwanag niya, “Nagsasalita ako kung kailangan, at kung feeling ko, nababastos ako, and it’s just normal. Alam kong hindi basta madya-justify yun, kasi ang kaibahan ko lang sa ibang tao, may pangalan ako, not for anything else, kaya napapalaki. Pero hindi ako nagtataray nang wala sa lugar.

“Hindi ako affected, basta ba marami ang nagsasabing hindi ako ganoong klaseng tao. Yung mga kaibigan ko ang totoong makapagsasabi kung sino si Marian Rivera, at hindi ko naman mapi-please lahat ng tao.”

VIVIAN VELEZ’S ROLE. Mismong ang dating aktres na si Vivian Velez, na unang gumanap sa role na Proserfina sa Ang Babaeng Hinugot sa Aking Tadyang—kathang nobela ni Carlo J. Caparas na naisalin noon sa pelikula—ang nagsabing sang-ayon siya sa pag-cast kay Marian sa lead role. Ito ay para sa planong TV remake ng GMA-7 ng Ang Babaeng Hinugot... Ano ang reaksiyon dito ni Marian?

“Flattered siyempre ako,” sambit ni Marian. “Kasi Vivian Velez ‘yan, na may napatunayan naman as an actress. Kahit hindi na siya active, coming from somebody na hindi ko naman nakikilala pa nang personal, pero sinasabing bagay ako sa role, happy siyempre ako.”

Pagtatapos ni Marian, “Ay, salamat talaga! Pero sabi nga ng iba, ang ganda-ganda ni Miss Vivian, especially during those years na dyosang-dyosa ang dating niya. At sana nga, mabigyan ko ng justice yung pagtitiwala sa akin ng GMA-7 at ni Direk Carlo J. Caparas para ako ang pagtiwalaan sa role para sa TV remake.”

Si Dingdong Dantes pa rin ang kapareha ni Marian sa Ang Babaeng Hinugot sa Aking Tadyang.

ARCHIE DE CALMA
Philippine Entertainment Portal

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: