‘Hindi ako tatakbong bise presidente’ – Gov. Vi

Bukas ipagdiriwang ni Governor Vilma Santos ang kanyang kaarawan. Isang buong araw ng selebrasyon ang siguradong magaganap dahil hindi na isang bayan lang ang nasasakupan niya ngayon, isang buong probinsiya na, at hindi naman makapa­payag ang kanyang mga kababayan na basta dumaan nang ganoon na lang ang araw na markado para sa kanya.

Huwag na nating pagkaabalahan pang alamin kung ano na ang edad ni Gov. Vilma ngayon, ang mas mahalagang talakayin ay kung anu-ano na ba ang kanyang nagawa sa pagtungtong niya sa kanyang edad ngayon.

Mahirap maging isang Vilma Santos. Dalawang larangan ang ginagalawan niya, artista siya at pulitiko rin, dalawang mundong walang kasinggulo kung tutuusin.

Bilang isang aktres ng lokal na aliwan ay maningning na maningning pa rin ang kanyang bituin, maraming kakontemporaryo na niya ang nangawalang parang bula, pero ang ningning at magneto ng bituin ng isang Vilma Santos ay ramdam na ramdam pa rin natin.

Bilang pulitiko naman ay siya ang target ng mga taong gusto siyang ilaglag, iba pa naman ang mundo ng pulitika, kapag walang butas na masilip ang mga kalaban ay lantaran silang gagawa ng butas para lang masilipan ang mahigpit nilang katunggali.

Maraming gumawa ng ganun kay Governor Vilma, kaliwa’t kanang giyera ang pinagitnaan niya noon, pero kung ano ang damdamin ng mga Batangueño pa rin ang nanaig sa bandang huli.

“Lahat na yata ng klase ng masasakit na salita, ipinakain na sa akin. Lahat na yata ng mga bintang, naibato na sa akin. Pero palagi akong naniniwala na kapag hawak mo ang katotohanan, wala kang dapat ikatakot,” pahayag ni Governor Vilma sa isang pag-uusap namin.

Walang nagawa ang mga umatake sa kanya noon, mismong mga Batangueño ang nagharang ng kanilang mga katawan para sa Star For All Seasons, iniluklok siyang gobernador ng lalawigan.

* * *

Mainit ang ikot ng mga balita ngayon. Si Governor Vilma Santos daw ang mahigpit na makakalaban nina Senador Bong Revilla at Senador Chiz Escudero sa pagiging pangalawang pangulo sa 2010.

Sigurado na raw na tatakbo si Gov. Vilma, hindi raw niya kayang pahindian ang emisaryo ng isang partido para sa kanyang pagtakbo, pero nilinaw agad yun ng aktres-pulitiko.

“Hindi ako mahilig magsalita nang tapos, pero may paninindigan ako. Nung mapabalitang tatakbo na akong governor ng Batangas, ang sinabi ko, tatapusin ko ang aking panunungkulan bilang mayor ng Lipa.

“Kung anu-anong balita ang umikot noon, meron pa ngang mga naglalagay ng salita sa mismong bibig ko, tatakbo raw akong gobernador, pero kinumpleto ko ang pagiging mayor ko.

“Heto na naman ang kasalukuyang issue, tatakbo raw akong vice president, sigurado na raw ako, may ihinahanda na raw akong plataporma kapag nanalo ako.

“Walang ganun. Hindi totoo yun. Kahit kailan, hindi ko inunahan ang panahon sa ginawa kong pakikilahok sa mundo ng pulitika. Sabihin na nilang hindi totoo, pero hanggang ngayon, ikinagugulat ko pa rin ang posisyong ipinagkatiwala sa akin ng mga kababayan ko.

“Napakalayo ng pulitika noon sa bituka ko, si Ralph lang ang nasa pulitika dahil mula naman siya sa isang political clan, pero ako, wala talaga.

“Pero nandito ako ngayon, namumuno ng isang lalawigan, katuwang ko si Ralph sa mga hakbang na ginagawa ko para sa lalawigan ng Batangas,” mahabang paliwanag ni Gov. Vilma.

Pero sa kabila ng pagiging ulirang pulitiko niya ngayon ay hinding-hindi maitataktak sa kanyang mga ugat ang dugo ng pagiging artista, hinahanap pa rin niya ang mga camera, ang pagganap at ang mundong kinamulatan niya.

“Nagpaalam na ako sa mga constituents ko, isang pelikula lang naman sa isang taon ang hinihingi ko sa kanila. Pelikula ang buhay ko, ito ang kinamulatan ko, nami-miss ko ang mga camera, ang mga tao sa showbiz, hindi ko puwedeng iwanan ang unang mundong minahal at iningatan ko.

“Sa kabila ng pagiging busy ko sa Batangas, nakukuha ko pa ring magbasa ng mga tabloids, updated pa rin ako sa mga nangyayari, hindi ako puwedeng maligaw.

“Ganun ko kamahal ang showbiz,” madiing pahayag ng nag-iisang aktres ng lahat ng panahon.

CRISTY FERMIN
Pilipino Star Ngayon

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: