Jake kailangang mag-seminar kay Ate Vi

Nung minsan ay nabasa namin ang isang blind item na tumutukoy sa isang hunk actor na mayabang. Ayon sa kuwento, pagkatapos mag-perform ng grupong kinabibilangan niya ay merong nakarinig sa kanya sa CR na sinasabi sa kanyang alalay, “Nakita mo yun nung tawagin ang pangalan ko? Ang tindi ng sigawan, ’di ba? Ako naman talaga ang nagdadala sa grupo, e!”

Sa naturang blind item ay inilarawan siya bilang isang mayabang at matakaw sa kreditong young actor, maangas daw siya, ayon pa rin sa kuwentong nabasa namin.

Si Jake Cuenca ang tinutukoy sa blind item, siya ang hunk actor na sinasabing matakaw sa kredito dahil ang akala niya sa kanyang sarili ay sikat na sikat na at sa kanya nakasandal ang kapalaran ng iba pa niyang mga kasamahan sa Cover Boys.

Idinenay yun ni Jake, wala raw katotohanan yun, hindi raw niya ipinagmalaki kahit kailan na siya ang nagdadala sa grupo at siya ang pinakasikat sa kani­lang lahat.

Pero biglang sumulpot ang deklarasyon ng isa niyang dating kaibigan nung nasa GMA 7 pa siya, si Andrew Schimmer, ayon sa aktor ay talaga raw mayabang na si Jake kahit noon pa.

Kamakailan daw nung magkita sila ay hindi man lang ito binati ni Jake, nagulat si Andrew dahil parang wala raw silang pinagsamahan ng hunk actor, dahil hindi man lang ito binati ni Jake.

“Kahit i-quote n’yo pa ako, paninindigan ko. Talaga namang mayabang siya, e! Akala niya, palagi siyang sikat,” komento pa ni Andrew.

Nakakaalarma ang mga ganung senaryo. Siguro’y kailangan nang magkaroon ng reality check ni Jake Cuenca, kailangan na niyang manalamin para mala­man niya kung totoo bang nagiging maangas na siya, para makaiwas siya sa mga negatibong komento.

Walang masama sa pakikipagkita sa ating sarili, kung minsan kasi ay nakagagawa tayo ng mga bagay-bagay na ang akala nati’y wala lang, pero may ibang kahulugan na pala para sa ibang tao.

Madalas naming sabihin sa mga nagtatanong, wala naman kaming nakikitang palso kay Jake Cuenca, hindi naman kami nakakaramdam ng kayabangan kapag nakikita namin siya.

Pero ang paalala na laging nagpapadalawang-isip sa aming sagot ay ang balik na salita ng aming kausap, “Natural, hindi magpapakita ng palso sa inyo ang mga artista!

“Mga reporters kayo, puwede n’yong sulatin ang napapansin n’yo, kaya talagang hindi sila magpapa­kita ng pangit na ugali sa inyo!”

Kunsabagay.

* * *

Meron namang mga artista na basta may masabi lang ay gagawin nila. Huwag lang masabi ng mga reporters na nagsusuplada sila ay kung anu-ano na lang ang kanilang sinasabi.

Tulad ng isang aktres na kapag nakakita ng reporter ay biglang sasabihin nito, “Ate, ang ganda-ganda ng katawan mo ngayon, pumayat ka!” Tatawa lang ang manunulat, pero sa kanyang pagtalikod ay ibubulong nito sa katabi, “Ang plastic-plastic talaga ng babaeng ’yan! Kailan naman kaya ako tumaba?”

Ha! Ha! Ha! Ha!

Sa aspetong ganun ay mapupuri natin si Batangas Governor Vilma Santos-Recto, kilala niya ang mga manunulat sa pangalan at mukha, kapag may mga bagong manunulat ay nagtatanong siya kung ano ang pangalan ng mga ito.

Hindi siya nahihiyang magtanong, kesa nga naman sa magsabi siya ng ibang pangalan ay mas magandang makipagkilala siya, kaya puring-puri ng mga reporters ang Star For All Seasons.

Ipararamdam ni Governor Vilma sa iyo na espesyal ka, na kahit ilang linya lang tungkol sa kanya ang sinulat mo ay napakalaking bagay na nun sa kanya, kaya maraming nagmamahal sa pagiging totoo ng aktres-pulitiko.

Kailangang kumuha ng seminar kay Governor Vilma ang mga artistang araw-araw na kabungguang-siko ng mga reporters, pero hanggang ngayo’y nanganga­pa pa rin sa mga pangalan ng manunulat, mabuti na lang at usung-uso sa showbiz ang mga salitang tito at tita.

CRISTY FERMIN
Philippine Star Ngayon

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: