Ate Vi, may alok kay Boyet

NANG huli naming makausap ang lady governor ng Batangas na si Vilma Santos, pinaghahanda niya ang paboritong leading man na si Christopher “Boyet” de Leon para sa isang tungkuling pinaniniwalaan niyang hindi nito mapahihindian.

Magugunitang ang dalawang de kalibreng artistang ito ay magkasabay na kumandidato sa panlalawigang posisyon noong nakaraang eleksyon.

Si Ate Vi, tumakbo bilang gobernador ng administrasyon at si Boyet naman, nagbakasakali bilang bise gobernador sa ilalim ng bandila ng oposisyon.

Habang nasa kasagsagan ang kampanya, sina Ate Vi at Boyet ay kapuwa tumangging sila’y magkalaban.

Una rito, bago pa man nagsimula ang kampanya, marami ang nagmungkahing magsanib-puwersa na lamang sila. Dapat daw, mag-bise na lang si Boyet kay Ate Vi, na imposibleng mangyari, dahil kapuwa sila nakatali sa kani-kanilang partido-pulitikal.

Sa simula pa lang ng kampanya, lamang na si Ate Vi sa pulso ng publiko. Bitbit niya ang credential ng isang full-termer with flying colors, wika nga, bilang Lipa City mayor.

Si Boyet naman, ang puhunan ay ang kagustuhang magsilbi sa lalawigan at ang kasikatan bilang artista. Kulang siya sa credential na tulad ng kay Ate Vi.

Nang matapos ang kampanya, humupa ang tensyong pampulitika, tinanghal na gubernador si Ate Vi, at tulad ng inaasahan, bigo si Boyet sa kauna-unahang pagsabak.

Ewan kung awa o labis na tiwala ni Ate Vi kay Boyet, ilang araw matapos ang eleksyon, inihayag nito ang planong alukin ng puwesto sa Batangas ang actor.

Aniya, may kinalaman sa turismo ang ibibigay na puwesto kay Boyet. Kaya, sa unang pagkakataon na magkausap sila, inulit niya kay Boyet ang pangakong ’yun.

Pero dahil may election ruling na sinusunod “…na ang sinumang talunang kandidato ay ’di maaaring tumanggap ng puwesto hangga’t ’di lumilipas ang isang taon matapos ang eleksyon….” ’di natanggap ni Boyet ang alok ni Ate Vi.

Ang 2007 elections ay Mayo. Sinusulat namin ito, April 10, 2008. Mayo na sa susunod na buwan. Ibig sabihin, matatapos na ang one-year ban sa mga kumandidatong talunan noong 2007.

Nangangahulugang puwede nang tumanggap ng puwesto si Boyet.

Naalala rin namin ang huli naming panayam ay Ate Vi kamakailan, kung saan ay sinariwa niya ang pangako kay Boyet. “Alam kong preparado na si Boyet sa puwestong inaalok ko,” ani Ate Vi. “Bagay na bagay ang kanyang estado sa aming lalawigan.”

Ang puwestong inilalaan ni Ate Vi kay Boyet ay ang pangangalaga at pagpapaunlad ng turismo sa Batangas. “Napakaraming tourist destination sa Batangas. Naniniwala ako sa kakayahan ni Boyet, kaya muli akong nanawagan sa kanya na ikonsidera ang offer ko,” ang paulit-ulit na pahayag ng lady governor.

Hindi pa namin nahihingan ng opinion si Boyet tungkol sa alok na ito ng paborito niyang leading lady. Pero, may higing kami na hindi na ito tumatanggap ng malawakang commitment sa movie career.

Malamang, matutuwa si Ate Vi sa indikasyong ito. Puwedeng ipakahulugan na pinaghahandaan na ni Boyet ang nasabing posisyon.

At kung magkakagayon, manunumbalik ang “naputol” nilang tandem, hindi nga lamang sa pelikula, kundi sa serbisyo publiko na. Abangan!

MAR D’ GUZMAN CRUZ
Journal Online

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: