GMA movie dapat unahin ni Gabby

Sa aspeto ng pagiging aktor ay napakaganda ng mga binitiwang pahayag ni Manay Lolit Solis tungkol kay Gabby Concepcion nung nakaraang episode ng Startalk.

Sinabi ng dating manager ni Gabo na siya ang eksaktong ehemplo ng isang artistang gustong maging alaga ng bawat manager dahil sa kanyang propesyonalismo.

“Kaya nga kapag nakakabalita ako ng mga artistang pasaway, naiisip ko si Gabby. Maraming artistang may talento at guwapo, pero hindi naman professional!

“Si Gabby, masipag siya, professional. Kahit ano ang ipagawa mo sa kanya, gagawin lang niya. Pagdating sa professionalism, walang tatalo kay Gabby. Yun ang dahilan kung bakit narating niya ang pangarap niya at kung bakit hanggang ngayon, nakikita naman natin, napakainit ng pagtanggap sa kanya ng mga tao!

“Ibig sabihin, meron kasi siyang ginawang maganda, kaya hanggang ngayon, nandiyan pa rin siya,” mahabang papuri ni Manay Lolit sa kanyang dating alaga.

Yun ay sa anggulong propesyonal lamang, pero kapag personal na ang pinag-uusapan ay diretsong sinabi ni Manay Lolit, hindi na sila puwedeng magkasama pa uli ni Gabby.

“Huwag na yun. Puwede kaming maging mag­kaibigan na lang, pero yung ako pa rin ang magiging manager niya? Hindi na, tama nang nag-uusap na lang kami, nagkukuwentuhan, hanggang dun na lang,” humigit-kumulang na sabi pa ng manager-TV host-columnist.

Hindi nga naman kasi ganun kadaling kalimutan ang labing-apat na taon nilang pinagsamahan bilang manager-talent, napakahabang panahon nun, hindi agad maitatapon ng kahit sino.

Kahit naman si Gabby ay ganun ang sinasabi, miss na miss niya si Manay Lolit, na hindi niya malili­mutan ang malaking naitu­long nito sa kanyang career, maligaya nga si Gabby dahil nagkabati na sila.

“Nagkita kami sa Las Vegas, sa laban ni Manny Pacquiao. Fan ako ni Pacman, ang buong pamilya na­min, kaya mula nung umpisa niyang laban, sinu­bay­bayan ko na siya.

“E, nagkita kami ni Lolit sa Las Vegas, nilapitan niya ako, ‘Gabby, bati na tayo! Pengeng 100 dollars!’ sabi niya sa akin. Mabuti na lang at may pera ako, kung wala, baka hindi pa kami bati hanggang ngayon!

“Biro lang yun, Lolit, I love you!” eksaktong kuwento ni Gabby sa una niyang panayam sa The Buzz pagdating na pagdating niya sa Pilipinas.

Sabi naman ni Manay Lolit, “Three hundred dollars ang laman ng wallet niya! Kung nalaman ko lang agad yun, 200 dollars na sana ang hiningi ko sa kanya!” biro ng dating manager ni Gabo.

* * *

Pinasalamatan din ni Manay Lolit si Mommy Rose Flaminiano, dapat daw pasalamatan ni Gabby ang FLT producer, dahil ito ang namahala sa kanyang pagbabalik at sa pag-aayos ng mga naiwanan niyang kaso dito sa Pilipinas nung magdesisyon siyang manatili na muna sa Amerika.

Unti-unti nang naaayos ang mga nakabimbing kaso ni Gabby, inuna niyang piniyansahan ang kasong falsification of public documents, sumunod naman ang kasong bigamy na isinampa ng isang taong hindi niya naman kilala.

Inilabas naman ni Mayor Alfredo Lim ang kanyang pangalan sa MMFF scam, maganda ang naging pahayag ng mayor ng Maynila, “Hindi siya kasali sa mga kinasuhan namin sa scam. His name was not included, we did not sue him. Umalis yata siya dahil napahiya siya sa nangyari.

“Wala siyang problema sa amin, kaya let’s give him another place under the sun,” positibong pahayag ng pulitiko.

Ang tanong na lang ngayon ay kung anong produksiyon ba ang unang pagseserbisyuhan ni Gabby, ang GMA ba o ang Star Cinema? Saan kaya siya unang gagawa ng pelikula?

Laging sinasabi ni Gabby na irerespeto pa rin niya ang kontratang pinirmahan niya sa Siyete, kailangan lang talagang pag-aralang mabuti ang script, para naman maging comeback movie niya talaga yun.

Kung kami ang tatanungin, para wala nang gulo ay unahin na ni Gabby ang GMA-7 dahil yun naman ang una talaga niyang kompromiso, saka na lang niya isunod ang tinanguan niyang kompromiso sa Star Cinema.

CRISTY FERMIN
Pilipino Star Ngayon

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: