Joyce at Nadia, Nag-collapse

Masaya, maaksyon at tadtad ng sari-saring eksena ang Refreshingly Fun Under the Sun celebrity event ng Nivea nu’ng Enero 24-27 sa Pearl Farm Beach Resort (Kaputian, Island Garden City of Samal, Davao del Norte).

Nag-umpisa ang sports activities nu’ng Biyernes (Enero 25) nang hapon. Si Brad Turvey, sa tulong ni Rambo Nuñez (anak ng organizer ng event na si Ms. Marilen Nuñez), ang may pakana ng fun games na sinalihan ng limang grupo ng celebrity participants.

Mala-Amazing Race ang drama sa unang celebrity challenge. Binigyan ng mga clue ang bawat team para paunahan silang hanapin ang limang letra ng NIVEA na nakakalat sa palibot ng Pearl Farm.

May itinalagang marshal o tagabantay sa bawat grupo para tingnan kung tama ang ginagawa nila at sumusunod sila sa rules.

Hirit ng ‘games master’ na si Brad, dapat ay dalawang marshals ang ibigay sa Blue Team kung saan magkasama ang mag-amang Joey at Jeremy Marquez para makasigurong hindi mandaraya ang mga ito.

May mahabang garter na nakatali sa katawan ng lahat ng members ng bawat team para sabay-sabay sila at hindi mahihiwalay sa isa’t isa.

Hindi magkasya sa heavyweight na si Ryan Yllana ang Nivea uniform na sando kaya pinunit niya ito at gumawa siya ng sarili niyang costume.

Ganundin ang ginawa ng hebigat ding si Nadia Montenegro kaya ang cute nilang tingnan ni Ryan at para silang mag-loveteam.

Ang bawat team ay may ka-join na Amazing Racers: sina Marc Nelson & Rovilson Fernandez, Paula Taylor & Vanessa Chong na kasali sa The Amazing Race Asia Season 2 (na ipinalalabas pa sa AXN Channel at sa Pebrero 14 pa malalaman ang winners).

Pabirong nagprotesta si Ryan Yllana ng Blue Team dahil wala silang ka-team na Amazing Racer at ang team leader nilang si Jeena Lopez ay wala pa nu’ng araw na ‘yon at kinabukasan pa humabol sa kompetisyon.

Hindi pa nagtatagal ang karerahan ng bawat grupo ay may ‘casualty’ na kaagad. Nahirapang huminga si Nadia Montenegro ng Yellow Team at bigla itong nag-collapse.

Dahil sa katatakbo ay nahatak nang nahatak ang garter na nakatali sa katawan ni Nadia at nadale ang kanyang bariatric surgery.

Four months ago ay nilagyan ng ‘lap band’ ang loob ng kanyang tiyan na umiipit sa kanyang lower stomach para makontrol ang kanyang food intake.

‘Yung lap band na ‘yon ay gumalaw at umakyat hanggang sa may lungs ni Nadia, kaya hindi na siya makahinga at kulay asul na ang nakikita niya hanggang sa bumagsak na lang siya sa may damuhan.

Bukod doon ay nag-100/190 ang blood pressure niya kaya nataranta ang kanyang teammates at tumawag ng doktor para bigyan ng emergency aid si Nadia.

Kinailangan siyang lagyan ng oxygen mask para makahinga.

Pagtagal-tagal ay nagkamalay rin si Nadia. Hindi siya nag-panic at alam niya kung anong gagawin niya para mag-normalize ulit ang paghinga niya, kaya maya-maya ay naging okey na siya.

Hindi na ulit pinaglaro si Nadia at kinabukasan ay pinalitan na siya ni Philip Cu-unjieng.

***
Aqua sports ang unang round ng kompetisyon nu’ng Sabado (Enero 26). Nag-boat race ang bawat team papunta sa kabilang isla, sa Malipano island na hindi kalayuan sa Pearl Farm.

Isang jetski ang magli-lead at hahatak sa kayak o pedal boats na sasakyan ng tigsasampung miyembro ng bawat team.

Dahil nag-uunahan at nagpapabilisan ay nagkandataub-taob ang rubber boats nila, pero kailangang sama-samang makarating sa kabilang isla, kaya ang iba ay nagsilangoy na lang.

Aliw na aliw kami sa mga kuwento ni Paolo Contis nang makarating na ang lahat sa Malipano island. Manghang-mangha si Paolo sa sobrang pagiging competitive ng teammate niya sa Yellow Team na si Marc Nelson.

Sobrang kinakarir daw nito ang lahat ng challenges samantalang sila ng ka-team din nilang si Jomari Yllana ay parelaks-relaks lang.

Nalokah si Paolo nu’ng tumaob sa gitna ng dagat ang kayak nila at balikan ng naka-jetski na si Jom sina Marc para alalayan.

Parang galit pa raw si Marc na inutusan si Jom na mauna na at ‘wag siyang intindihin dahil kaya niyang languyin ang kabilang isla. True enough, paglingon ni Paolo ay nakasunod na raw sa kanila ang super-energetic na si Marc!

Tsika pa ni Paolo, sa lahat ng gagawin nila ay laging may strategy ang Sports Unlimited host, habang sila ni Jom ay parang dedma lang at hindi sineseryoso ang labanan. Bukod kay Marc ay panay sports buff din ang teammates nilang sina Dyan Castillejo, Ernie Lopez, Reema Changco at ang astig na boyfriend nitong si Eric Waldi.

Sobrang kwela kung magkuwento si Paolo, na sinesegundahan pa ni Jomari, kaya hagalpak sa katatawa ang mga nakikinig sa dalawa.

***

Pagkatapos ng masagang boodle lunch sa Malipano villa ay sabak na ulit ang Nivea teams sa next challenge. Kailangan nilang umakyat sa mga puno ng niyog para kunin ang colored flags.

Hanep sa coconut tree climbing si Joyce Jimenez ng Pink Team. Ang bilis umakyat ng puno ni Joyce at nakatatlo siyang puno ng niyog. Daig niya pa ang mga lalake na ayaw magsiakyat ng puno at natatakot mahulog.

Ang sumunod na ‘bring me’ round na kailangang mag-kayak o lumangoy papunta sa isang balsa para kumuha ng Nivea products ay kinarir din ni Joyce.

Ang ending, pagbalik niya ng pampang ay kinapos ng paghinga si Joyce at bumagsak siya sa buhangin. Pinagkumpulan siya ng lahat bago pinahiga sa shade, pinainom ng tubig at pinaypayan. Maya-maya ay nahimasmasan din si Joyce.

Pero dahil sa pagko-collapse na ‘yon ni Joyce ay hindi na itinuloy ang ‘bring me’ contest.

Sabi ni Brad sa celebrity participants, dapat ay ‘for fun’ lang ang sports activities na ‘yon dahil wala silang mapapanalunang $1M kaya huwag nilang ilagay ang mga sarili nila sa life and death situations.

“You’re giving me a heart attack!” natatawang bulalas ng games master na si Brad.

Hirit tuloy nina Joey Marquez, ‘beer drinking’ na lang ang ipa-contest para safe at masaya ang lahat, tapos ay idaan na lang daw sa raffle kung anong team ang mananalo.

May ilan ding nagreklamo sa games na naisip ni Brad, pero depensa nito, bago nila pinagawa ang mga ‘yon sa participants ay sinubukan muna nila ni Rambo kung okey ang mga ito at safe.

Hindi lang daw nila akalain na sobrang kakaririn pala ng celebs ang physical challenges, to the point na hinihimatay na ang mga ito sa sobrang pagka-competitive.

Mas madali na ang last game na nakatali ulit ng garter ang bawat team at paunahan sila sa pagkuha ng mga numero na nakakabit sa puno ng niyog, pero wala nang akyatan sa puno.

***

Pagkatapos ng dalawang araw ng celebrity sports competition na inorganisa ng LenPlus, Inc. ni Ms. Marilen Nuñez, tinanghal na 1st place winner ang Nivea Visage ‘pink team’ nina Antonio Aquitania (team leader), Mylene Dizon, Joyce Jimenez, Say Alonzo, Jojo Manlongat, JM Rodriguez, Jen da Silva, Bianca Consunji, Erica Paredes at Vanessa Ventorina. Tumanggap sila ng Nivea beach bags at iPod Nano.

2nd place ang Nivea Sun ‘yellow team’ nina Marc Nelson (team leader), Jomari Yllana, Paolo Contis, Alynna Asistio, Dyan Castillejo, Ernie Lopez, Reema Changco, Eric Waldi, Philip Cu-unjieng at Joan Tan. Wagi sila ng Nivea beach bags, Ipanema certificates at spa certificates.

3rd place ang Nivea for Men ‘green team’ nina Boy2 Quizon (team leader), Mark Herras, Michelle Madrigal, Brad Murdoch, Paula Taylor, Vanessa Chong, Stephen Ku, Amiel Cabanlig, Jethro Gallaga at Roselle Cua. Binigyan sila ng Nivea beach bags at spa certificates.

Ang three winning teams lang ang in-announce, hindi na sinabi kung anong team ang nasa 4th at 5th place. Heto ang dalawa pang teams na parehong ‘luhaan’ at walang napanalunan:
Nivea Body ‘orange team’ nina Alessandra de Rossi (team leader), Maggie Wilson, Bubbles Paraiso, Jordan Herrera, Jimwell Stevens, Rovilson Fernandez, Ricky Gallardo, Liezl Verses, Mars Miranda at Des Duran.

Nivea Baby ‘blue team’ nina Jeena Lopez (team leader), Joey Marquez, Jeremy Marquez, Ryan Yllana, Jay Aquitania, Benj Besa, Neil de Guia, Jean Ancheta, JR Isaac at Jackie Rivera.

ALLAN DIONES
Abante Tonite

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: