Robert Ortega, nakapatay

MATAPOS ang halos 12-oras na pakikipaglaban kay kamatayan, tuluyang nalagutan ng hininga ang isang 17-anyos na estudyante na nasagasaan ng sasakyang minamaneho ng dating konsehal ng Maynila at aktor na si Robert Ortega kamakalawa ng gabi sa Makati City.

Dakong alas-7:44 ng umaga kahapon nang ideklara ng mga doktor sa Ospital ng Makati, ang pagpanaw ni Marqs Denver Arbiso, ng 194-A Block 6, Pili Ave., West Rembo, Makati. bunga ng matinding pinsalang tinamo sa ulo at katawan.

Nabatid sa pagsisiyasat ni SPO2 Jose Javier ng Makati police traffic management unit, na dakong alas-7 kamakalawa ng gabi ay minamaneho ni Ortega ang kanyang kotseng may plakang ZJB-315, sa kahabaan ng Kalayaan Ave, patungong C-5 Road, malapit sa Block 6, West Rembo, nang mabundol niya ang patawid na biktima.

Sa lakas ng pagkakabundol, tumilapon at nagpagulung-gulong pa si Arbiso bago nabagok ang ulo sa baldosa.

Hindi naman nag-aksaya ng panahon si Ortega at kaagad na isinakay sa kanyang kotse ang duguang biktima at mabilis na isinugod sa Ospital ng Makati.

Pagkatapos ay kusang-sumuko si Ortega sa pulisya at inako ang kasalanan, bagama’t sinabing hindi niya napansin ang biglang pagtawid ng biktima sa madilim na bahagi ng naturang lansangan.

Nagpahayag din ng kahandaan sa pagbalikat sa lahat ng magagastos ng pamilya ng biktima, kasabay ng paghingi ng paumanhin dahil sa hindi inaasahang pangyayari.

EDD J. REYES
Journal Online

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: